MAYNILA - Nabibigatan pa rin ang isang labor group sa panibagong price cap na ipapataw ng Department of Health (DOH) sa mga RT-PCR test kontra COVID-19.
Sabi ng ALU-TUCP, mabigat pa rin sa bulsa ng karaniwang economic frontliner ang inaprubahang price cap ng Department of Health, na tinatayang nasa P2,450 hanggang P3,360 depende sa kung saan magpapatingin.
Giit nila, dapat gobyerno o mga kompanya ang umako sa gastos.
"Stagnant ang wages simula noong March last year, walang dagdag. Pero yung mga presyo ng mga bilihin at mga serbisyo ay tumataas so ang value ng sahod ng mga manggagawa ngayong pandemya ay napakaliit. Kung idadagdag pa natin ang cost ng testing, wala na silang maiuuwi para sa kanilang mahal sa buhay," ani ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay.
Simula Setyembre 6, nasa P2,450 hanggang P2,800 na ang RT-PCR test sa mga pampublikong pasilidad. Samantalang nasa P2,940 hanggang P3,360 naman sa mga pribadong pasilidad.
Kung magpapa-home service ay dadagdagan ito ng P1,000.
Noong Agosto 16 naman ay ginawang P960 ang price cap ng antigen testing.
Ayon sa DOH, ginawa nila ito para umano pasok sa budget ng pubkliko, at para bumilis ang testing capacity ng bansa.
"Meron tayong laging target for testing. nung una ang target natin 70K, sumunod 90-100k so that we can be able to decrease our positivity rate to 5%. Once transmisison had been reduced, we can see positivity rate decreasing as well," ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Tutulong ang Department of Trade and Industry (DTI) at DOH sa pag-monitor sa mga laboratoryo at iba pang pasilidad na nagsasagawa ng testing kung nasusunod ito at walang nag-o-overprice.
"So yung international price survey tapos yung mga suppliers and manufacturers nito, merong data ang DOH. We conducted also jointly with them, public consultations para sa mga suppliers, manufacturers, operators ng testing laboratories and private hospitals and public hospitals," ani DTI Undersecretary Ruth Castelo.
Sagot naman ng Employers' Confederation of the Philippines (ECOP) na di rin kakayanin ng mga kompanyang akuuin ang regular na pagte-test ng mga empleyado.
"At the end of the day, talagang ibaba mo man nang ibaba sa kalahati yan, mahal pa rin eh dapat talaga gumawa na ng remedyo ang gobyerno. Irepurpose nila ang budget," ani ECOP President Sergio Ortiz Luis.
Pero sabi ng DOH, nag-donate sila ng testing kits sa maraming laboratoryo kaya operational cost lang dapat ang babayaran ng magpapa-test.